Speech, 8th Moving Up Exercise of Hope in Jesus Christian School, Taguig City






MENSAHE SA MOVING UP AND RECOGNITION DAY
NG HOPE IN JESUS CHRISTIAN SCHOOL, LOWER BICUTAN, TAGUIG CITY
Ni Marlon B. Raquel, Guest Speaker


Isang mainit na pagbati sa lahat ng ating maipagmamalaking magsisipagtapos na mga mag-aaral sa iba’t ibang antas ng Hope in Jesus Christian School, mga tagapamahala ng paaralan sa pangunguna nina Rev. Boddie at Rev. Rose Famadico, mga guro at magulang na patuloy at walang sawang umaagapay sa mga batang ito upang marating nila ang isa sa pinakamahalagang yugto ng kanilang buhay, ang Moving Up and Recognition Day 2011.

Ang mensahe ko sa hapong ito ay nahahati sa dalawa. Una ay nais ko pong ipabatid sa lahat ang ilang mahahalagang impormasyon tungkol sa bagong programa ng Kagawaran ng Edukasyon ayon kay Dr. Catherine Castañeda, Direktor ng CHED-NCR nang siya po ay naimbitahang magsalita sa ika-14 na Commencement Exercises ng Wesleyan College of Manila na ginanap noong Sabado lamang sa Manila Hotel. Ako po ay dumalo sa nasabing okasyon bilang isa sa mga propesor ng nasabing kolehiyo. Ang pangalawang bahagi naman po ay nakasentro sa pagbibigay-pugay sa ating mga masisipag na mga mag-aaral na tunay nga pong nagbibigay ng karangalan sa ating mga magulang.

Simula ngayong darating na pasukan sa Hunyo, ipapatupad na ng Kagawaran ng Edukasyon ang programang K+12. Ang K+12 program na ito isang pangunahing reporma sa edukasyon na magpapalawig sa basic education curriculum mula 10 taon hanggang sa 12 taon na pag-aaral sa elementarya at sekundarya. Ayon kay Dr. Castañeda, ang Pilipinas ang nag-iisang bansa sa mundo na may pinakamaikling duration o haba ng pag-aaral mula kindergarten hanggang high school. Lahat ng 5-taon-gulang na bata ay mag-aaral sa kindergarten, anim na taon sa elementarya, apat na taon sa junior high school, at karagdagang dalawang taon sa senior high school. Ayon sa datos ng Kagawaran ng Edukasyon, may 2.4 milyong bata ang magpapapenrol sa kindergarten sa darating na pasukan. Sa ngayon, may 1.5 milyon ang nasa pampublikong day care centers at 435,574 naman ang mga nasa pribadong eskwelahan. Layunin ng K+12 program na ito mas mahusay na maihanda ng mga Pilipinong mag-aaral ang kanilang mga sarili sa lokal at pandaigdigang trabaho at sa mas mataas na antas ng edukasyon. Ito ay kasagutan na rin ng pamahalaang Aquino sa mithiin ng United Nations sa tinatawag na “universal education.”

Hindi madali ang magpaaral ng mga anak lalo na sa panahon ngayon kung saan kabila’t kanan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Batid po ‘yan ng ating mga mahal na magulang.  Alam ko po ito sapagkat dalawa ang pinapag-aral kong kapatid sa kolehiyo. Maraming sakripisyo po ang kailangang pagdaanan. Kaya’t ang tema sa taong ito na “Ang batang masikap sa pag-aaral dulot sa magulang ay karangalan” ay tunay nga pong napapanahon. Masarap sa pakiramdam ng isang magulang habang pinagmamasadan niya ang kanyang anak na umaakyat sa entablado upang tanggapin ang kanyang sertipiko at parangal. Batid ko rin po ito sapagkat lubus-lubos ang kasiyahang aking nakita sa aking mga magulang sa tuwing aakyat sila ng entablado at magsasabit sa akin ng medalya mula Grade I hanggang 4th year high school ako. Sampung (10) taon po akong first honor student. Salamat sa Diyos sa Kanyang patnubay. Kaya’t mga bata, magsikap kayo sa inyong pag-aaral. Bawal ang tamad. Makinig ng mabuti sa sinasabi ng inyong guro. Huwag pasaway kay Teacher Cherry at Teacher Rose at sa iba pang magiging guro ninyo. Sigurado akong matutuwa ang mga magulang ninyo. Bilang mga anak, tumulong kayo sa inyong mga magulang at kapatid. Sa papaanong paraan? Sa pamamagitan ng pag-aaral ng mabuti. Bilang mga Pilipino, tumulong kayo sa kapwa Pilipino kahit na sa munting paraan. Lahat ng inyong mga natutunan ay magagamit ninyo sa hinaharap.

Sa mga magulang at guro na patuloy na umaagapay sa mga batang ito, saludo po ako sa inyo. Kayo ang tunay na bida sa buhay nila. Ipagpatuloy po ninyo ang inyong nasimulan. Kailangan nila kayo. 

Sa pagtatapos ng mensaheng ito, nais ko pong mag-iwan sa inyo ng ilang sipi mula sa Banal na Kasulatan (Efeso 6:1-4; Kawikaan 1:8; Colosas 3:20).

Mga anak, sundin ninyo ang inyong magulang, alang-alang sa Panginoon, sapagkat ito ang nararapat. Igalang mo ang iyong ama at ina. Ito ang unang utos na may kalakip na pangako; ganito ang pangako: “ikaw ay giginhawa at lalawig ang iyong buhay rito sa lupa.” Dinggin mo ang aral ng iyong ama at huwag ipagwalang bahala ang turo ng iyong ina.

Mga magulang, huwag ninyong ibuyo sa paghihimagsik laban sa inyo ang inyong anak dahil sa malabis minyong kahigpitan; sa halip, palakihin sila sa tuntunin at aral ng Panginoon. Huwag ninyong kagagalitan ng labis ang inyong mga anak, at baka manghina ang kanilang loob.

Maraming salamat po sa inyong lahat at nawa’y pagpalain tayong lahat ng ating Panginoong Diyos.

Binabati ko kayong muli sa inyong tagumpay!


------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Date and Time: March 29, 2011/ 2:00PM
Venue: Grandstand, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City

8th Moving Up Exercise of Hope in Jesus Christian School































Example of Certificate of Appreciation - Search for Mr. and Ms. Wesleyan 2010


Ang Kaugnayan ng Wikang Pambansa Sa Pagkakakilanlan Bilang Isang Pilipino





ANG KAUGNAYAN NG WIKANG PAMBANSA
SA PAGKAKAKILANLAN BILANG ISANG PILIPINO*
Ni Marlon B. Raquel**

Kung nais mong malaman ang iyong pagkakakilanlan, kailangan mong balikan ang iyong nakaraan at pag-aralan ang kasaysayan. Ito ang pinagsusumikapang gawin ng mga Pilipinong may pagmamahal sa sariling kultura. Ang Pilipinas ngayon ay malayo sa lipunang kinalakhan ng ating mga ninuno 3,000 taon na ang nakararaan. Tayo ay may sistema na ng pamamahala bago pa man dumating si Ferdinand Magellan noong 1521, isang Portuguese na nagtrabaho sa ilalim ng Kaharian ng Espanya. Napagtanto ko na hindi angkop gamitin ang salitang 'natuklasan' o ‘discovery’ tulad sa mga nakasulat sa mga libro sa kadahilanang hindi natuklasan ni Magellan ang arkipelago ng Pilipinas. Bagkus ay nagkaroon lamang ng pagkikita ng dalawang kultura - ang silangan at ang kanluran. Ang tinatawag na 'pagkatuklas ng Pilipinas' ay isang konseptong banyaga o Kanluranin. Sinumang manunulat na banyaga ay maaaring magsulat sa mga pahina ng ating kasaysayan para samantalahin nito ang ating kainosentehan. Hindi na dapat tayo magtaka kung ang isang Amerikanong sumusulat ng kasaysayan ay luluwalhatiin ang sarili nitong bansa at mamaliitin ang isang bansa. Ang isang Espanyol tulad ni Pigafetta ay maaaring ipagkalandakan na si Magellan ang unang nakatuklas sa mga isla ng Samar at Leyte. Marahil ang salitang 'Pilipinas' ay hindi gagamitin ngayon kung hindi tayo nalupig ng mga Kastila. Ang arkipelago ay ipinangalan sa karangalan ni Haring Felipe II ng Espanya. Samakatuwid, ang Pilipinas ay nangangailangan ng mga  Pilipinong nagsasalaysay at sumusulat ng ating kasaysayan base sa sarili nating perspektibo tulad nina Renato Constantino at Teodoro Agoncillo.

Ilang siglo na tayong nakatayo sa mga sanga-sangang daan. Patuloy tayong naghahanap sa isang tunay na pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Meron nga ba tayong sariling pagkakakilanlan? Ang ating lahi ay parang isang tasang kape. Iba’t ibang timpla ng dugong Malayo, Espanyol, Amerikano, Hapon, at Intsik ang nananalaytay sa atin. Dahil sa impluwensyang banyaga, maraming mga Pilipino ang mas pinipili na maging westernized. Ilan sa atin ang mga taong nagsasalita ng mga wikang banyaga at iniiwasan ang paggamit ng mga salitang bernakular hanggat maaari. Ang ilan sa atin ay nakakaramdam ng pagkahiya sa bawat okasyon na naririnig natin na ginagamit ang kanyang sariling wika o diyalekto. Matigas ang punto niya. Bisaya kasi sabi nila. Maraming mga Pilipino din sa ibang bansa ang nagpupumilit na itago ang kanilang pagka-Pilipino kahit na mas maliwanag pa sa sikat ng araw ang mga pisikal na deskripsiyon na magpapatunay na sila ay galing sa Perlas ng Silanganan. Ito ay isang mabalasik at nakalulungkot na katotohanan na kailangang malagpasan at baguhin ng isang Pilipino.  

Dahil sa pagtindi ng globalisasyon sa mundo, ang isang bansa ay kailangang marunong umangkop sa mga pagbabago upang mabuhay. Si Pangulong Aquino ay hindi kailanman gagamit ng wikang Tagalog kapag siya ay nakipag-usap sa pinakamakapangyarihang tao sa mundo, si Barack Obama. Ngunit may mapapansin ba tayo sa panahon ng mga summits o kumperensya ng iba't ibang mga ministro o ng mga presidente sa buong mundo? Marami sa kanila ay hindi gumagamit ng Ingles. Narining mo na ba ang Hari ng Saudi Arabia na nagsasalita sa Ingles sa panahon ng mga pulong? Ang punong ministro ng Hapon? Ang presidente ng Tsina? Ang chancellor ng Alemanya? Ang presidente ng South Korea? Hindi, silang lahat ay gumagamit ng sari-sariling wika bilang pangunahing daluyan ng komunikasyon. Sila ay may mga tagapagsalin o interpreters! Ngunit tingnan natin ang mga bansang ito: sila ay kabilang sa mga mayayamang bansa sa buong mundo. Kahit na sa panahon ng mga international pageants, ang mga contestants mula sa ibang bansa ay karaniwang gumagamit ng sarili nilang wika. Hindi lingid sa ating kaalaman na ang mga ito ay may salapi upang matustusan ang pag-aaral sa wikang Ingles ngunit mas pinipili nila na magsalita sa kani-kanilang wika. Sa mga bansa kung saan ang nasyonalismo ay malakas tulad ng sa Hapon, ang Ingles ay hindi ang pangunahing midyum ng pagtuturo sa mga paaralan kundi Nihongo o Niponggo sa halos lahat ng mga asignatura kahit sa matematika. Alam ng mga kulturang ito ang kahalagahan ng wikang pambansa para sa ikauunlad ng bansa. Ito ang kanilang paraan ng pakikipag-usap sa isa’t isa upang sila ay lubusang magkaisa. Wika ang nagbubuklod sa isang lipunan.

Nagkaroon ng ilang mga pagtatangka mula sa iba't ibang grupo na bigyan ng halaga ang edukasyon ng mga Pilipino tungkol sa kahalagahan ng paggamit ng ating pambansang wika sa iba't ibang aspeto. Ang Unibersidad ng Pilipinas, ang pambansang unibersidad ng bansa, ay isa sa mga aktibong institusyon sa mga inisyatibong ito. Si Propesor Virgilio Almario ng Kolehiyo ng Arte at Literatura ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, isa sa mga Pambansang Alagad ng Sining sa Larangan ng Literatura, ay naglimbag ng isang talasalitaan na kung tawagin ay UP Diksiyunaryong Pilipino kung saan ang mga salitang Filipino at iba pang wika ay may katumbas sa Ingles maging ang mga salitang teknikal. Ang iba’t ibang departamento at kolehiyo sa UP ay may mga katumbas sa wikang Filipino. Halimbawa, ang Colllege of Social Sciences and Philosophy ay naging Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya.

Ang Pilipinas ang tinaguriang pangatlo sa mundo sa dami ng mga taong nagsasalita ng wikang Ingles ngunit malayo tayo sa ibang mga bansa sa Asya pagdating sa paglago ng ekonomiya. Walang mali sa paggamit ng wikang Ingles sa tamang lugar, oras, at okasyon ngunit isang 'kasalanan' ang tanggihan ang anumang bagay (kabilang na rito ang wikang Filipino) na may koneksyon sa ating pagkakakilanlan bilang isang natatanging bansa.

-------------------------------------

* Isinalin at in-edit mula sa orihinal nitong artikulo sa wikang Ingles na pinamagatang “The Search for a Filipino Identity viz-a-viz The National Language”. Binasa ngayong ika-17 ng Marso, 2011 sa The Fisher Valley College, Lungsod ng Taguig, sa isang seminar na may temang “Ang Wikang Filipino: Kalagayan, Mga Isyu, at Hamon sa Ika-21 Siglo.”

** Nagtuturo sa The Fisher Valley College, Lungsod ng Taguig at sa Wesleyan College of Manila, Lungsod ng Pasay at kasalukuyang tinatapos ang kanyang thesis para sa masterado sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, Lungsod ng Quezon.

Medical-Dental Mission and Feeding Program Photos