Ang Kaugnayan ng Wikang Pambansa Sa Pagkakakilanlan Bilang Isang Pilipino





ANG KAUGNAYAN NG WIKANG PAMBANSA
SA PAGKAKAKILANLAN BILANG ISANG PILIPINO*
Ni Marlon B. Raquel**

Kung nais mong malaman ang iyong pagkakakilanlan, kailangan mong balikan ang iyong nakaraan at pag-aralan ang kasaysayan. Ito ang pinagsusumikapang gawin ng mga Pilipinong may pagmamahal sa sariling kultura. Ang Pilipinas ngayon ay malayo sa lipunang kinalakhan ng ating mga ninuno 3,000 taon na ang nakararaan. Tayo ay may sistema na ng pamamahala bago pa man dumating si Ferdinand Magellan noong 1521, isang Portuguese na nagtrabaho sa ilalim ng Kaharian ng Espanya. Napagtanto ko na hindi angkop gamitin ang salitang 'natuklasan' o ‘discovery’ tulad sa mga nakasulat sa mga libro sa kadahilanang hindi natuklasan ni Magellan ang arkipelago ng Pilipinas. Bagkus ay nagkaroon lamang ng pagkikita ng dalawang kultura - ang silangan at ang kanluran. Ang tinatawag na 'pagkatuklas ng Pilipinas' ay isang konseptong banyaga o Kanluranin. Sinumang manunulat na banyaga ay maaaring magsulat sa mga pahina ng ating kasaysayan para samantalahin nito ang ating kainosentehan. Hindi na dapat tayo magtaka kung ang isang Amerikanong sumusulat ng kasaysayan ay luluwalhatiin ang sarili nitong bansa at mamaliitin ang isang bansa. Ang isang Espanyol tulad ni Pigafetta ay maaaring ipagkalandakan na si Magellan ang unang nakatuklas sa mga isla ng Samar at Leyte. Marahil ang salitang 'Pilipinas' ay hindi gagamitin ngayon kung hindi tayo nalupig ng mga Kastila. Ang arkipelago ay ipinangalan sa karangalan ni Haring Felipe II ng Espanya. Samakatuwid, ang Pilipinas ay nangangailangan ng mga  Pilipinong nagsasalaysay at sumusulat ng ating kasaysayan base sa sarili nating perspektibo tulad nina Renato Constantino at Teodoro Agoncillo.

Ilang siglo na tayong nakatayo sa mga sanga-sangang daan. Patuloy tayong naghahanap sa isang tunay na pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Meron nga ba tayong sariling pagkakakilanlan? Ang ating lahi ay parang isang tasang kape. Iba’t ibang timpla ng dugong Malayo, Espanyol, Amerikano, Hapon, at Intsik ang nananalaytay sa atin. Dahil sa impluwensyang banyaga, maraming mga Pilipino ang mas pinipili na maging westernized. Ilan sa atin ang mga taong nagsasalita ng mga wikang banyaga at iniiwasan ang paggamit ng mga salitang bernakular hanggat maaari. Ang ilan sa atin ay nakakaramdam ng pagkahiya sa bawat okasyon na naririnig natin na ginagamit ang kanyang sariling wika o diyalekto. Matigas ang punto niya. Bisaya kasi sabi nila. Maraming mga Pilipino din sa ibang bansa ang nagpupumilit na itago ang kanilang pagka-Pilipino kahit na mas maliwanag pa sa sikat ng araw ang mga pisikal na deskripsiyon na magpapatunay na sila ay galing sa Perlas ng Silanganan. Ito ay isang mabalasik at nakalulungkot na katotohanan na kailangang malagpasan at baguhin ng isang Pilipino.  

Dahil sa pagtindi ng globalisasyon sa mundo, ang isang bansa ay kailangang marunong umangkop sa mga pagbabago upang mabuhay. Si Pangulong Aquino ay hindi kailanman gagamit ng wikang Tagalog kapag siya ay nakipag-usap sa pinakamakapangyarihang tao sa mundo, si Barack Obama. Ngunit may mapapansin ba tayo sa panahon ng mga summits o kumperensya ng iba't ibang mga ministro o ng mga presidente sa buong mundo? Marami sa kanila ay hindi gumagamit ng Ingles. Narining mo na ba ang Hari ng Saudi Arabia na nagsasalita sa Ingles sa panahon ng mga pulong? Ang punong ministro ng Hapon? Ang presidente ng Tsina? Ang chancellor ng Alemanya? Ang presidente ng South Korea? Hindi, silang lahat ay gumagamit ng sari-sariling wika bilang pangunahing daluyan ng komunikasyon. Sila ay may mga tagapagsalin o interpreters! Ngunit tingnan natin ang mga bansang ito: sila ay kabilang sa mga mayayamang bansa sa buong mundo. Kahit na sa panahon ng mga international pageants, ang mga contestants mula sa ibang bansa ay karaniwang gumagamit ng sarili nilang wika. Hindi lingid sa ating kaalaman na ang mga ito ay may salapi upang matustusan ang pag-aaral sa wikang Ingles ngunit mas pinipili nila na magsalita sa kani-kanilang wika. Sa mga bansa kung saan ang nasyonalismo ay malakas tulad ng sa Hapon, ang Ingles ay hindi ang pangunahing midyum ng pagtuturo sa mga paaralan kundi Nihongo o Niponggo sa halos lahat ng mga asignatura kahit sa matematika. Alam ng mga kulturang ito ang kahalagahan ng wikang pambansa para sa ikauunlad ng bansa. Ito ang kanilang paraan ng pakikipag-usap sa isa’t isa upang sila ay lubusang magkaisa. Wika ang nagbubuklod sa isang lipunan.

Nagkaroon ng ilang mga pagtatangka mula sa iba't ibang grupo na bigyan ng halaga ang edukasyon ng mga Pilipino tungkol sa kahalagahan ng paggamit ng ating pambansang wika sa iba't ibang aspeto. Ang Unibersidad ng Pilipinas, ang pambansang unibersidad ng bansa, ay isa sa mga aktibong institusyon sa mga inisyatibong ito. Si Propesor Virgilio Almario ng Kolehiyo ng Arte at Literatura ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, isa sa mga Pambansang Alagad ng Sining sa Larangan ng Literatura, ay naglimbag ng isang talasalitaan na kung tawagin ay UP Diksiyunaryong Pilipino kung saan ang mga salitang Filipino at iba pang wika ay may katumbas sa Ingles maging ang mga salitang teknikal. Ang iba’t ibang departamento at kolehiyo sa UP ay may mga katumbas sa wikang Filipino. Halimbawa, ang Colllege of Social Sciences and Philosophy ay naging Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya.

Ang Pilipinas ang tinaguriang pangatlo sa mundo sa dami ng mga taong nagsasalita ng wikang Ingles ngunit malayo tayo sa ibang mga bansa sa Asya pagdating sa paglago ng ekonomiya. Walang mali sa paggamit ng wikang Ingles sa tamang lugar, oras, at okasyon ngunit isang 'kasalanan' ang tanggihan ang anumang bagay (kabilang na rito ang wikang Filipino) na may koneksyon sa ating pagkakakilanlan bilang isang natatanging bansa.

-------------------------------------

* Isinalin at in-edit mula sa orihinal nitong artikulo sa wikang Ingles na pinamagatang “The Search for a Filipino Identity viz-a-viz The National Language”. Binasa ngayong ika-17 ng Marso, 2011 sa The Fisher Valley College, Lungsod ng Taguig, sa isang seminar na may temang “Ang Wikang Filipino: Kalagayan, Mga Isyu, at Hamon sa Ika-21 Siglo.”

** Nagtuturo sa The Fisher Valley College, Lungsod ng Taguig at sa Wesleyan College of Manila, Lungsod ng Pasay at kasalukuyang tinatapos ang kanyang thesis para sa masterado sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, Lungsod ng Quezon.