Tapos na ang sampung minuto. Wala pa ring direksyon ang pinagsusulat ko dito. Nagdagdag ulit ako ng 5 piso. Tumaginting ang barya sa machine charger. 10 minuto ulit akong mag-aantay. Nakakabagot naman kung wala akong gagawin habang nag-aantay na ma-full charged ang baterya ng cellphone ko. Iniisip ko magsulat tungkol sa pulitika o relihiyon. Pero mukhang seryoso ang magiging tema nito kaya hindi ko na lang itinuloy. Ano kaya kung buhay na lang ng ibang tao o di kaya sarili kong buhay? Blangko. Ayaw rumehistro sa utak ko ang mga salita.
Ang dami pa ding tao dito sa pinagtatrabahuanko. Ganito pala pag call center. 24 hours. 1st time ko kasing maging callboy, este, customer service representative. Masaya naman ako. Enjoy, 'ika nga. Lalo na pag araw ng sweldo. Palagi nga lang puyat. Medyo malaki naman ang sweldo kaya I grabbed the opportunity. Hindi pa kasi tapos ang master's ko at pinag-aaral ko ang nakababata kong kapatid na lalaki. Graduating na siya next year sa college. Ang hirap ng buhay lalo na pag pinahihirapan mo sarili mo. Sige lang. Sasayaw lang ako sa tugtog, at sasabay sa agos ng buhay. Ang Diyos ang aking sandigan sa lahat ng oras. Alam kong hindi Niya ako pababayaan.
Tapos na ang 20 minutong pagcha-charge. 10 piso rin ang nagastos ko. Paalam, Ministop. Salamat sa iyo. Sa uulitin.