Speech, 7th Moving Up Exercise at Sonbeam Learning Center, Taguig City





7th MOVING UP AND RECOGNITION DAY 2011
Sonbeam Learning Center, South Daang Hari, Taguig City
31 March 2011, 2:00PM


Sa mga aktibong tagapamahala ng Sonbeam Learning Center sa pangunguna nina Rev. Nora, mga mahuhusay na guro, mga mapagmahal na mga magulang na walang sawang nag-aalaga sa kani-kanilang mga anak, mga kaibigan at bisita, at higit sa lahat, sa mga mag-aaral na magsisipagtapos sa Nursery, Kindergarten, at Preparatory Levels, isang mainit na pagbati sa inyong matagumpay na Moving Up and Recognition Day 2011!

Unang-una, nais ko pong ipaabot ang aking pasasalamat kay Rev. Boddie Famadico at Rev. Rose Famadico dahil sila ang kinasangkapan ng Panginoon para maimbitahan ako dito ni Pastora Nora bilang inyong tagapagsalita sa hapong ito. Ito po ang pang-apat na pagkakataon kung saan naimbitahan akong magsalita sa mga graduation exercises simula noong ako’y magtapos sa kolehiyo noong 2006. Malaking karangalan po para sa akin ang tumayo sa harapan ninyo at layunin ko po na magbigay ng inspirasyon sa ating mga kabataan na nandito ngayon at magbigay pugay sa ating mga magulang na tunay nga pong kahanga-hanga sa kanilang pagpupunyagi  para mabigyan ng edukasyon ang kanilang mga anak.

Ang tema sa taong ito na “Sa pagsisikap… matutupad ang pangarap” ay napapanahon at kailangang isapuso at isagawa hindi lamang ng isang mag-aaral kundi nang bawat isa sa atin. Madalas po naririnig natin sa ibang tao ang kasabihang “Ang kahirapan ay hindi hadlang sa pagtatagumpay.” Na kung magsisikap lamang ang isang tao ay walang imposible. Ngunit sinasabi ko po ito sa inyo ngayon: Ang kahirapan ay isang hadlang sa tagumpay. Ito ang mas malapit sa katotohanan.  Bakit? Sapagkat hindi kayang iproseso ng utak natin ang lahat ng mga bagay sa paaralan kung ang sikmura natin ay kumakalam. Sa loob ng 15 taon kong pag-aaral simula noong ako’y Grade I pa lamang hanggang sa nakatapos ako ng kolehiyo, naranasan ko po ang maghirap sa buhay. Lumaki ako sa isang pamilyang salat sa yaman. Parehong magsasaka ang aking mga magulang. Sabi nila, pag magsasaka ang iyong mga magulang, magsasaka na rin ang mga anak. Ito ay makatotohanan lalong-lalo na sa mga probinsya. Naranasan kong magtanim at maggapas ng palay, humawak ng makina o landmaster, at mag-araro sa bukid gamit ang kalabaw. Siguro kung aktibo ang DSWD sa probinsya namin, malamang ay nasampahan na ng child labor ang mga magulang ko. Kaya’t mga magulang, kung may resources kayo, ibigay ninyo ang  lahat ng inyong makakaya sa inyong mga anak. Wag ninyo silang gugutumin. Pero ano nga ba ang magagawa ng isang pamilyang walang-wala kundi mga paalala ng aking tatay sa akin na kung hindi man ako makakapagpatuloy sa pag-aaral ay maging mabuti akong tao. Magkagayun pa man, hindi ko sinisi ang aking mga magulang. Napakabait nilang mga magulang sa aming lahat na magkakapatid.

Naaalala ko pa noon na ang baon ko palagi sa eskwelahan ay kamoteng-kahoy o di kaya naman ay saging lang. Minsan, pag hindi ako nahihiya sa mga kaklase ko, nakikipagpalitan ako ng baon sa kanila. Akin ang kanin nila, sa kanila ang baon kong kamoteng-kahoy. Parang barter. Sa tindi ng kahirapan, maraming beses na akong nawalan ng pag-asang makapag-aral lalong-lalo na nung sinabi ng tatay ko na hanggang high school lang daw ako kasi lahat ng kapatid ko ay mga elementary at high school graduates lang. Hindi ko matanggap sa sarili ko ang naging pahayag ng aking ama. Ayokong panghabambuhay na magapos sa kahirapan kaya’t nagpursige ako. Pinilit kong magbasa ng maraming aklat at gumawa ng mga assignments kahit wala kaming de kuryenteng ilaw. Lampara lang ang gamit namin noon. Lahat ng pagsisikap ko ay nagkaroon ng magandang resulta sapagkat lagi akong first honor student simula noong Grade I hanggang fourth year high school. Ako palagi ang pambato ng eskwelahan sa iba’t ibang lugar pagdating sa mga quiz bee at iba pang competitions. Grumadweyt ako sa elementary at high school na valedictorian.  Mas lalo akong naging agresibong makatapos ng pag-aaral ng makapasok ako sa UP noong 2002. Sa halos 90,000 na kumuha ng eksaminasyon sa buong Pilipinas, humigit-kumulang 10,000 lang ang nakapasa at isa ako dun. Sa school namin, ako lamang ang pumasa sa lahat ng nagtake ng exam. Sa apat na taon kong pananatili sa UP Tacloban at hanggang ngayon na tinatapos ko ang masterado ko sa UP Diliman ay marami po akong natutunan. Mas lalo kong natutunan kong paano humarap ng may tapang sa mga pagsubok sa buhay. Na kailangan nating gamitin pareho ang isip at puso sa paggawa ng mga desisyon sa buhay. Sa UP ko natutunan na hindi sapat ang katalinuhang taglay ng isang mag-aaral kundi mahalaga din po ang diskarte, pagiging matiyaga, at pagkontrol sa sarili sa anumang emosyon na makakasagabal sa pag-abot ng mga pangarap.  

Sa mga batang magsisipagtapos ngayong araw na ito sa iba’t ibang antas, pagbutihin ninyo ang inyong pag-aaral. Gawin ninyo ang lahat ng mga homeworks na pinapagawa sa inyo ng mga teachers ninyo. Kahit walang baon na binibigay sina Papa at Mama niyo, pumasok pa rin kayo sa school, okay? Magpahatid na lang kayo sa kanila. Huwag maging tamad. Maging masunurin din sa mga magulang. Bawal na bawal ang sutil. Huwag kayong sasagot ng masama sa kanila. Hindi matutuwa si Jesus sa inyo pag inaway niyo ang mga magulang niyo.

Sa mga magulang, saludo po ako sa inyo. Hindi madali ang magpaaral ng mga anak lalo na sa panahon ngayon kung saan kaliwa’t kanan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Batid po ‘yan ng ating mga mahal na magulang.  Alam ko po ito sapagkat dalawa ang pinapag-aral kong kapatid  ngayon sa kolehiyo. Maraming sakripisyo ang kailangang pagdaanan. Ipagpatuloy po ninyo ang inyong nasimulan. Huwag ninyong pabayaan ang inyong mga anak na maimpluwensiyan ng mga masasamang bisyo tulad ng droga. Gabayan po ninyo sila sa kanilang paglaki. Kailangan nila kayo.
Sa mga tagapamahala at guro ng paaralang ito, isang malaking tungkulin ang nakaatang sa inyo. Ang edukasyon ng isang tao ay napakahalaga. Ito ay buhay na magbibigay sa kanya ng tiwala at dignidad sa sarili habang siya ay naglalakbay sa mundong ito. Ikinararangal ko na ang institusyong ito ay isang institusyon kung saan binibigyang-diin ang maka-Diyos na mga layunin. Lubos po akong naniniwala na pag wala ang Diyos sa buhay ng isang tao, siya ay parang isang saranggola sa himpapawid na nakawala. Walang direksiyon. Walang patutunguhan.

Sa pagtatapos ng mensaheng ito, nais ko pong mag-iwan sa inyo ng ilang sipi mula sa Banal na Kasulatan (Efeso 6:1-4; Kawikaan 1:8; Colosas 3:20).

Mga anak, sundin ninyo ang inyong magulang, alang-alang sa Panginoon, sapagkat ito ang nararapat. Igalang mo ang iyong ama at ina. Ito ang unang utos na may kalakip na pangako; ganito ang pangako: “ikaw ay giginhawa at lalawig ang iyong buhay rito sa lupa.” Dinggin mo ang aral ng iyong ama at huwag ipagwalang bahala ang turo ng iyong ina.

Mga magulang, huwag ninyong ibuyo sa paghihimagsik laban sa inyo ang inyong anak dahil sa malabis minyong kahigpitan; sa halip, palakihin sila sa tuntunin at aral ng Panginoon. Huwag ninyong kagagalitan ng labis ang inyong mga anak, at baka manghina ang kanilang loob.

Maraming salamat po sa inyong lahat at nawa’y pagpalain tayong lahat ng ating Panginoong Diyos.

Binabati ko kayong muli sa inyong tagumpay!


------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Date and Time: March 31, 2011/ 2:00PM
Venue: South Daang Hari, Taguig City